📅

Prosperidad, Agusan del Sur – May kabuuang 79 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Barangay Patin-ay, Prosperidad, Agusan del Sur ang makikinabang sa bagong Php 21.75-milyong Patin-ay Communal Irrigation System (CIS) na magkatuwang na isinagawa ng Department of Agrarian Reform (DAR) at National Irrigation Administration (NIA).
Ang CIS na proyektong ito, na pinondohan sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program – Irrigation Component (CARP-IC), ay inaasahang maghahatid ng maayos, sapat, at napapanahong suplay ng patubig sa 52 ektaryang lupang sakahan, na pakikinabangan ng 83 magsasaka, kabilang ang 79 ARBs.

Manggagaling ang tubig mula sa Ilog Gibong, ang proyekto ay binubuo ng paggawa ng kanal, mga konkretong estruktura, at pagsasaayos ng mga daan upang mapadali ang pagpasok at paglabas ng produktong pang-agrikultura at mapanatiling matatag ang agrikultura sa lugar.
Sa isinagawang turnover ceremony, binigyang-diin ni Engr. Willhelm S. Tiangco, Acting Project Manager ng NIA CARP-IC, ang layunin ng proyekto na maiangat ang kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
“Sa tulong ng irrigation project na ito, nais nating mabawasan ang hirap, mapababa ang gastos, at maparami ang ani ng mga magsasaka. Ang hangad talaga natin ay makita, na mas umasenso ang kabuhayan ng ating mga magsasaka,” ani Tiangco, na nagsilbing Panauhing Pandangal at Tagapagsalita ng programa.

Kabilang sa mga dumalo sa seremonya sina DAR Agusan del Sur Provincial Agrarian Reform Program Officer I Rudy Solomon, Municipal ARPO Alexander Germo, ARPO I Erwin Parreño, kasama rin si Provincial Agriculturist Armando G. Valiente bilang kinatawan ng Tanggapan ng Gobernador. Dumalo rin sina Barangay Kapitana Zissa Vanessa P. Roldan, Provincial Agrarian Reform Coordinating Committee (PARCCOM) Member Ponciano B. Jagonia, at si Sandy M. Cabusan, Pangulo ng Patin-ay Farmers Irrigators Association (PACFIA).
Sa pamumuno ni Secretary Conrado M. Estrella III, patuloy na pinagtitibay ng DAR ang pakikipagtulungan sa mga katuwang na ahensya ng pamahalaan upang mapabuti ang buhay ng mga ARB sa pamamagitan ng makabuluhang mga proyektong pang-imprastruktura tungo sa inklusibong pag-unlad, masaganang agrikultura, at matatag na pambansang seguridad sa pagkain. (Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco with inputs from DAR Agusan del Sur)