đź“…

Ipinagmalaki ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Zamboanga del Norte ang kanilang Certificate of Condonation with Release of Mortgage (COCROM), na sumisimbolo sa kanilang kalayaan mula sa utang sa lupa at isang bagong simula tungo sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.

Dipolog City – Pinawalang-bisa ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang utang sa lupa ng 189 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Zamboanga del Norte, matapos silang bigyan ng 212 na Certificate of Condonation with Release of Mortgage (COCROM), na nagpapalaya sa kanila mula sa pagkakautang sa amortisasyon ng lupa na aabot sa 2,890 ektarya.

Ang pamamahagi ay isinagawa sa “Pledging Session on Empowering Local Communities” sa Royal Farm, Gulayon, Dipolog City. Bahagi ito ng pagpapatupad ng New Agrarian Emancipation Act (RA 11953) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Hulyo 2023. Layunin ng batas na burahin ang hindi pa nababayarang utang sa lupa, pati na ang interes, multa, at karagdagang bayarin sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Sa ganitong paraan, napapalaya ang maraming magsasaka sa matagal na pasaning pinansyal.

Ipinagmalaki ng Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Zamboanga del Norte ang kanilang Certificate of Condonation with Release of Mortgage (COCROM), na sumisimbolo sa kanilang kalayaan mula sa utang sa lupa at isang bagong simula tungo sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.

Pinangunahan ni Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Rizzel B. Villanueva ang pamamahagi, at binigyang-diin ang magandang epekto nito sa buhay ng mga ARB.

“Hindi lang nito inaalis ang bigat ng utang, kundi binibigyan din nito ng pagkakataon ang mga magsasaka na pagyamanin ang lupa, pataasin ang ani, at tiyakin ang mas magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya at komunidad,” ayon Villanueva.

Itinampok din sa programa ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga lokal na sektor, na nagpapakita ng panibagong simula para sa ARBs at ng pangakong patuloy na pag-unlad sa mga kanayunan.

Ipinahayag naman ni Joselito S. Año mula sa Land Bank of the Philippines ang kanilang suporta.

“Nananatiling tapat ang Land Bank sa mga magsasaka. Hindi lang kami nagpapautang kundi katuwang sa pagpapaunlad ng bansa. Mahalaga ang ARBs sa ating pag-unlad,” aniya.

Nagtapos ang programa nang may pag-asa, dala ang mensahe ng pagkakaisa at patuloy na pagtulong ng DAR sa mga Pilipinong magsasaka upang palakasin ang sektor ng agrikultura sa bansa. (By: Medel Mercado with inputs from DAR-Zamboanga del Norte)