đź“…

Padre Burgos, Quezon – Inilunsad kamakailan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng Quezon ang ika-siyam nitong Farm Business School (FBS) na naglalayong gawing matagumpay na agri-entrepreneur ang mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs).
Ang bagong FBS site ay tutulong sa mga kasapi ng Samahan ng mga Magbubukid ng Winsmar (SAMAWIN) Inc. upang mapaunlad ang kanilang kaalaman sa produksyon sa sakahan, pagbebenta, at paggawa ng plano sa negosyo.
Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Ma. Gemma A. Esguerra, napakahalaga ng proyektong ito para sa mga magsasakang kasapi ng SAMAWIN.
“Sa halos 100 ARB organizations or ARBOs na tinutulungan ng DAR Quezon II, masuwerte kayong napili ang inyong ARBO para sa oportunidad na ito. Inaasahan kong pagsusumikapan ninyong matapos ang mga sesyon dahil malaking tulong ito sa inyong pag-unlad,” aniya.

Binigyang-diin ni Esguerra na layunin ng FBS na bigyan ng kaalaman ang mga ARB sa pagpapatakbo ng isang kumikita at matibay na negosyo. “Gusto naming na ang mga sakahan ay maging masagana at handa sa hamon ng merkado,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang taon ay matagumpay na naisagawa ang FBS sa Malayang Samahang Pangkabuhayan Tungo sa Tagumpay ng Guinayangan Inc. (MSPTTGI) sa Guinayangan, Quezon. Ngayong taon, isasagawa ng DAR ang monitoring upang masuri ang epekto ng naturang pagsasanay.
Nagpasalamat naman si SAMAWIN President Perseveranda Maligalig sa DAR sa pagpili sa kanilang grupo. “Buong puso naming tatapusin ang lahat ng sesyon at isasabuhay ang aming matutunan upang mapaunlad ang aming pagsasaka at mapakinabangan ang lupang ipinagkaloob sa amin,” aniya.
May 30 kalahok ang unang naitala sa programa. Magkakaroon sila ng 25 na masigla at praktikal na sesyon, kung saan tuturuan sila kung paano suriin ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang sakahan, gumawa ng farm business plan, at isakatuparan ito upang maging matagumpay ang kanilang mga agri-negosyo.
Ang FBS ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DAR na mapaunlad ang kabuhayan ng mga benepisyaryo ng repormang agraryo sa pamamagitan ng pagsasanay at pagpapalakas ng kanilang kakayahan sa negosyo. (By: Resurreccion Arcaina with inputs from DAR-Quezon II)