📅

Rizal, Laguna — Patuloy ang suporta ng Department of Agrarian Reform (DAR) – Laguna sa Tanaw de Rizal, isang kilalang eco-tourism at environmental conservation site sa bayan ng Rizal, Laguna. Habang papalapit ang pagtatapos ng Convergence Area Development Plan (CADP) sa taong 2025, nakikiisa ang DAR sa mga lokal at pambansang katuwang upang ipagpatuloy ang programa at mapanatili ang mga tagumpay nito.
Isa sa mga mahalagang kontribusyon ng DAR ay ang Community-Managed Potable Water, Sanitation, and Hygiene (CP-WASH) project. Sa pamamagitan nito, napabuti ang pagkakaroon ng komunidad ng malinis na inuming tubig at maayos na palikuran—isang malaking hakbang para sa kalusugan at maunlad na pamumuhay sa kanayunan.
Ang Tanaw de Rizal ay patunay ng matagumpay na pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya at sektor na nagpapakita ng kahalagahan ng pagkakaisa sa pangangalaga ng kalikasan, mga hayop at pagtataguyod ng kabuhayan.

Sa pamumuno ni Dr. Aldwin Sumague Subijano, DVM, Municipal Agriculturist at pansamantalang Tourism Officer, pormal nang inihain ng lokal na pamahalaan ng Rizal ang panukalang muling pagpapatupad ng CADP. Nakaantabay na ito sa pag-apruba ng mga katuwang na ahensya.
Mga Benepisyo at Tagumpay ng Tanaw de Rizal:
· Pangangalaga ng Watershed: Dahil sa limitadong pinagkukunan ng tubig mula sa isang bukal at kakulangan sa imbakan ng tubig-ulan, nakikipagtulungan ang LGU sa National Irrigation Administration (NIA) para sa feasibility study ng isang dam-like structure para sa rainwater harvesting.
· Proteksyon ng Kagubatan: Mahigpit na ipinagbabawal ang pagtotroso at aktibong isinusulong ang reforestation sa tulong ng mga grupo at ahensya ng pamahalaan.
· Konserbasyon ng Wildlife: Ipinagbabawal ang pangangaso upang maprotektahani ang mga lokal na hayop tulad ng unggoy at ahas. Ang mga aktibidad sa turismo ay mahigpit na sumusunod sa mga patakarang pangkalikasan.
· Seguridad sa Pagkain: Aktibo ang mga samahang magsasaka gaya ng Sto. Niño Agroforestry Farmers Association, Inc. at Samahan ng Maghahalaman ng Barangay Tala sa pagtatanim at pamamahagi ng sariwang gulay at prutas na umaabot hanggang sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Sa tuloy-tuloy na suporta ng DAR at masigasig na pamumuno ng lokal na pamahalaan, ang Tanaw de Rizal ay patuloy na nagsisilbing halimbawa ng maayos na pagtutulungan para sa likas-kayang pag-unlad. Habang hinihintay ang pag-apruba sa muling pagpapatupad ng CADP, nananatili itong patunay na ang pagkakaisa ng pamahalaan at komunidad, at ang kalikasan ay susi sa tunay at pangmatagalang pag-unlad. (By: Resurreccion Arcaina with inputs from DAR-Laguna)