đź“…

Si Pangulong Marcos Jr., katuwang si DAR Secretary Estrella III, habang namamahagi ng mga Certificates of Condonation with Release of Mortgage sa iba’t ibang probinsya.

Iniulat ng Department of Agrarian Reform (DAR) na umabot na sa 213,285 Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ang napalaya mula sa kabuuang ₱11.634 bilyong utang sa amortisasyon ng lupa para sa 283,040 ektarya ng sakahang ipinamahagi sa kanila sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Sinabi ni DAR Secretary Conrado Estrella III na ang bilang ito ay katumbas ng 35% ng 610,054 target na ARBs.

“Tiwala kami na mapalalaya ang lahat ng mga benepisyaryo mula sa kanilang utang sa lupa bago magtapos ang administrasyong Marcos Jr. sa 2028,” ani Estrella.

Si Pangulong Marcos Jr., katuwang si DAR Secretary Estrella III, habang namamahagi ng mga Certificates of Condonation with Release of Mortgage sa iba’t ibang probinsya.

Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukala ng condonation o pagbura ng utang sa lupa noong siya ay maupo sa puwesto noong Hulyo 2022, upang mabigyang-laya ang ARBs at maituon ang kanilang pansin sa pagpapataas ng ani at kabuhayan.

Bilang tugon, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act noong 2023. Nagtalaga ito ng ₱57.6 bilyon para sa pagbura ng mga utang ng ARBs, kasama na ang interes, multa at iba pang karampatang bayarin, na sumasaklaw sa mahigit 1.17 milyong ektarya ng lupang saklaw ng CARP.

Malaking ginhawa ang naidulot ng batas sa mga ARB dahil maaari na nilang gamitin ang halagang dati’y inilalaan para sa taunang amortisasyon sa pagbili ng abono, binhi, o sa iba pang kabuhayang mapagkakakitaan.

Layon din ng batas na pigilan ang ilegal na pagsasangla o pagbebenta ng CARP lands, na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law.

Ang sinumang mahuhuling bumibili o nagbebenta ng lupaing saklaw ng CARP sa loob ng 10-taong ipinagbabawal na panahon ay maaaring mawalan ng karapatan sa lupa, na maaari namang muling ipamahagi ng pamahalaan sa mas karapat-dapat na benepisyaryo. (By: Richard B. Gallardo)