đź“…

Sta. Maria, Pangasinan – Sa kabila ng matinding init ng tag-araw, dama ang pag-asa at kasabikan sa hanay ng agrarian reform beneficiaries (ARB) sa Pangasinan habang pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at DAR Secretary Conrado M. Estrella III ang groundbreaking ceremony ng P950-milyong Lower Agno River Irrigation System (LARIS) Paitan Dam sa Sta. Maria, Pangasinan, gayundin ang pamamahagi ng P83.42-milyong halaga ng farm machineries and equipment (FMEs) sa 7,645 ARBs at 292 ARB organizations (ARBOs) sa lalawigan.
Ang LARIS ay isang pangunahing proyektong pang-imprastruktura na ipinatutupad ng DAR at National Irrigation Administration (NIA) sa ilalim ng pondo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Inaasahang matatapos sa Disyembre 2027, layunin nitong patubigan ang 12,041 ektarya ng lupang sakahan na makikinabang ang 11,942 magsasaka sa anim na bayan sa Pangasinan, ang Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bautista, Bayambang, at San Manuel, gayundin sa San Manuel at Moncada sa Tarlac, at Cuyapo sa Nueva Ecija.

Binigyang-diin ni Kalihim Estrella III ang pangmatagalang layunin ng administrasyong Marcos: “Ang gusto po ng ating Mahal na Pangulo, ay masolusyunan ang mga problema ng mga magsasaka, ang nagbibigay sa atin ng pagkain sa bawat tahanan. Hindi pansamantalang solusyon, kundi solusyon na mapapakinabangan ng ating mga magsasaka hanggang sa mga susunod na henerasyon.”
Pagpapatibay ng Agrikultura sa Pamamagitan ng Makabagong Makinarya
Sa parehong araw, ipinamahagi nina Pangulong Marcos Jr. at Secretary Estrella III ang mahigit Php 83.4 milyong halaga ng farm inputs at FMEs sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) Project. May 7,645 ARBs at 292 ARBOs, ang tumanggap ng 28,000 pakete ng organikong pataba na nagkakahalaga ng Php 23.8 milyon, 10 four-wheel tractor na nagkakahalaga ng Php 49.6 milyon at 2 multi-role power stations na nagkakahalaga ng P10 milyon.

Ipinagdiwang ni Pangulong Marcos Jr. ang tagumpay na ito bilang patunay ng lakas ng pagkakaisa. “Patunay ito na kung sama-sama tayong kikilos, kayang-kaya nating isulong ang makabagong teknolohiya na mapapakinabangan ng ating mga magsasaka,” ani Pangulong Marcos Jr.
Isang Pamana na Natupad
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, binalikan ni Secretary Estrella III ang makasaysayang pinagmulan ng proyekto. Aniya, unang isinulong ang LARIS noong panahon ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., katuwang ang dating Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella Sr.—ang ama ng Pangulo at lolo ng Kalihim.
“Ito pong proyektong ito, Mr. President, ay inumpisahan ng inyong ama at ng aking lolo. At nawa’y bendisyunan tayo ng ating Mahal ng Panginoon upang ang inumpisahan ng ating mga ninuno, ay ating matupad,” wika ni Secretary Estrella III.
Sa pagsisimula ng konstruksyon ng Paitan Dam at patuloy na suporta para sa mekanisasyong pansakahan, pinagtitibay ng administrasyong Marcos ang pangako nitong tiyakin ang pangmatagalang seguridad sa pagkain, pagtaas ng ani, at pag-unlad ng buhay ng mga Pilipinong magsasaka. (Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco)