đź“…

Mga agrarian reform beneficiaries (ARB) mula sa Ligao, Albay, ipinapamalas ang kanilang mga produktong pangkalusugan na gawa sa sampaguita, bunga ng isinagawang pagsasanay sa ilalim ng programa ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ligao, Albay – Mula sa dating nasasayang dahil sa labis na ani, ang Sampaguita, ang pambansang bulaklak ng Pilipinas, ay ngayo’y nagsisilbing bagong pinagkukunan ng kabuhayan para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Ligao, Albay, isang kabuhayang nakaugat sa kalusugan, tradisyon, at pagkakaisang pangkomunidad.

Sa tulong ng Department of Agrarian Reform (DAR) Albay, 30 ARBs na miyembro ng Ligao-Oas Consolidated Irrigators Association (LOCIA), Inc. isang Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO) mula sa Barangay Bobonsuran ang matagumpay na nakatapos ng isang hands-on na pagsasanay kung paano gawing mga produktong pangkalusugan ang sobrang ani ng sampaguita, gaya ng massage oils at therapeutic rubs. Ang pagsasanay ay bahagi ng 2025 Development of Products Project sa ilalim ng Enterprise Development and Economic Support (EDES) program ng DAR.

Mga agrarian reform beneficiaries (ARB) mula sa Ligao, Albay, ipinapamalas ang kanilang mga produktong pangkalusugan na gawa sa sampaguita, bunga ng isinagawang pagsasanay sa ilalim ng programa ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Sa loob ng maraming taon, nakita ni Rosyl Rabe, LOCIA Inc. Secretary, kung paanong nasasayang ang kanilang ani ng Sampaguita dahil sa labis na suplay.

“May bagong purpose na po itong Sampaguita flowers namin at hindi na masasayang. Magandang opportunity po ito dahil may dagdag income na kami,” pagbabahagi ni Rabe.

Pinangunahan ng wellness advocate na si Louise Cynthia Matza ng IQMK Global Philippines ang pagsasanay, na nakatuon sa paggamit ng natural na sangkap tulad ng menthol crystals, beeswax, petrolatum, at cellular oil. Natutunan ng mga ARB kung paano lutuin nang dahan-dahan ang mga bulaklak sa langis sa loob ng ilang oras upang makagawa ng mga therapeutic infusion na may anti-inflammatory, antibacterial, at pain-relief properties para sa massage oil at sampaguita rub.

Mga agrarian reform beneficiaries (ARB) mula sa Ligao, Albay, ipinapamalas ang kanilang mga produktong pangkalusugan na gawa sa sampaguita, bunga ng isinagawang pagsasanay sa ilalim ng programa ng Department of Agrarian Reform (DAR).

“Ang maganda rito ay may procedure na ako mismo ang gumawa. Matagal na panahon kong inaral para masigurado ang maximum health effect. Kapag na-inhale mo ang produkto, may epekto agad,” ayon kay Matza, na siya mismo ang bumuo ng pormulasyon.

Upang matulungan ang mga ARB na maibenta ang kanilang bagong mga produkto, nagsagawa rin ng karagdagang pagsasanay si Tyrone Guevarra, isang espesyalista mula sa Department of Trade and Industry (DTI), ukol sa packaging design, kaalaman sa marketing, at Good Manufacturing Practices (GMP). Layunin nitong bigyan sila ng kakayahan hindi lamang sa paggawa ng produkto, kundi pati na rin sa pagtatayo ng isang matatag na negosyo.

Ang pagsasanay ay isinagawa sa kahilingan ng ARBO sa kagustuhan ng mga miyembro na mapakinabangan ang kanilang hindi gaanong nagagamit na mga tanim na sampaguita. Ang dating itinuturing na labis, ngayon ay isa nang oportunidad. Ngayon na may bago na silang kaalaman, kakayahan, at layunin, ibinabahagi na ngayon ng mga ARB ng Ligao ang bango at galing ng pambansang bulaklak ng Pilipinas sa bawat tahanang Pilipino, bilang simbolo ng kabuhayan, tradisyon, at tibay ng komunidad. (Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco)