đź“…

Tiniguiban, Leon B. Postigo, Zamboanga del Norte – Isang mahalagang hakbang tungo sa pag-unlad ng kanayunan at pagpapalago ng kabuhayan ang isinagawa ng Tiniguiban Farmers Agrarian Reform Cooperative (TFARCO) sa Zamboanga del Norte sa pamamagitan ng groundbreaking para sa itatayong Bamboo Handicraft Processing Center. Ang proyektong ito ay inaasahang magbubukas ng mga bagong oportunidad sa paglikha ng trabaho at matatag na kabuhayan para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa komunidad.
Pinangungunahan ang proyekto ng Department of Agrarian Reform (DAR), katuwang ang mga ahensyang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Science and Technology (DOST), at Department of Trade and Industry (DTI).
Sa oras na ito ay matapos, magsisilbi ang pasilidad bilang sentro sa pagpoproseso ng kawayan–mula sa hilaw na materyales patungo sa mga produktong handa nang ibenta sa merkado. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng kabuhayan at negosyo ang mga mamamayan, lalo na ang mga ARB, habang natututo sila ng mga kasanayan at nahahanda para sa pagnenegosyo.

Isa sa mga tampok ng aktibidad ay ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA), na pormal na nagpapatibay ng sama-samang pagtutulungan ng DAR at ng mga katuwang na ahensya. Dumalo sa aktibidad sina DAR Provincial Agrarian Reform Program Officer (PARPO) II Rizzel Villanueva, PARPO I Alfonso Tan at Municipal Agrarian Reform Program Officer (MARPO) Limuel G. Regalado, na binigyang-diin ang sa kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang makamit ang tunay na pagbabago sa mga kanayunan.
“Sa pamamagitan ng convergence strategy ng DAR kasama ang TESDA, DOLE, DOST, at DTI, nag-aambag ang bawat ahensya ng kanilang galing at suporta upang matulungan ang mga miyembro ng TFARCO na magkaroon ng sapat na kaalaman, kagamitan, at kakayahang paunlarin ang kanilang kabuhayan,” ayon kay Villanueva.
Muling kinumpirma nina TESDA Provincial Director Engr. Alan T. Bacatan, DOST Representative Mr. Marc Cachin, at DTI Representative Desmarc G. Malate ang kanilang buong suporta sa paglago at pagpapatuloy ng operasyon ng kooperatiba, sa pamamagitan ng pagsasanay, tulong sa teknolohiya, at pagkonekta sa merkado.
Para sa TFARCO at sa buong komunidad, ang pasilidad ay higit pa sa isang gusali—kundi simbolo ng pag-asa, katatagan, at pag-angat ng kabuhayan. Itinuturing ito ng mga miyembro bilang pundasyon ng pagpapaunlad ng kakayahan, pagkakakitaan, at pangmatagalang kaunlaran ng komunidad—ginagawang daan ang kawayan tungo sa mas magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya. (By: Medel Mercado with inputs from DAR-Zamboanga del Norte)