đź“…

Sta. Ana, Pandan, Antique – Nagbigay ng bagong kaalaman at oportunidad sa kabuhayan ang isinagawang Technology Training on Nito Craft Making ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Sta. Ana, Pandan, Antique.
Bagaman pangunahing produkto pa rin ang niyog sa Sta. Ana – San Joaquin Agrarian Reform Community (ARC), sagana rin ang lugar sa halamang baging na Nito, na karaniwang matatagpuan sa mga kagubatan at ginagamit sa tradisyonal na paghahabi ng mga Pilipino nguni’t hindi pa masyadong napapakinabangan ang malaking potensyal nito.
Dahil dito, inilunsad ng DAR Antique ang pagsasanay upang matutunan ng mga kasapi ng Sta. Ana – San Joaquin Agrarian Reform Cooperative (SASJ AR Coop) kung paano gawing kapaki-pakinabang na produkto ang Nito.

Pinangunahan ni Conrado P. Sales, isang bihasang gumagawa ng kagamitang Nito, ang praktikal na pagsasanay—mula sa tamang pag-ani at paghahanda ng Nito hanggang sa paghahabi ng mga produktong tulad ng coaster at placemat. Binigyang-diin sa pagsasanay ang kalidad, disenyo, at paggamit ng likas at napapanatiling materyales.
“Medyo matrabaho sa mata at kamay ang paghahabi, pero sa tiyaga at sa likas na yaman na meron tayo, makakabuo tayo ng magandang kabuhayan,” ani Helen P. Antonio, Tagapangulo ng SASJ AR Coop. “Posible rin tayong makapagtayo ng maliit na negosyo para sa ating kooperatiba.”
Tinapos ang pagsasanay sa isang pagtatanghal ng mga produkto kung saan ipinakita ang mga natapos na likhang-kamay ng mga kalahok—patunay ng kanilang natutunan at ng potensyal ng Nito crafts bilang mapagkakakitaang kabuhayan sa kanayunan.
Dahil sa tagumpay ng proyekto, nagpahayag na rin ng interes ang mga ARB mula sa mga karatig-barangay tulad ng Badiangan, Perfecta, at Aracay na magkaroon ng ganitong pagsasanay sa kanilang lugar.
Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatibo, patuloy na isinusulong ng DAR Antique ang napapanatili at matatag na kabuhayan na nakaugat sa sariling yaman ng komunidad. (By: Resurreccion Arcaina with inputs from DAR Antique)