📅

Sta. Maria, Pangasinan – Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., kasama si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado M. Estrella III at National Irrigation Administration (NIA) Administrator Engr. Eddie G. Guillen, ang groundbreaking ceremony ng Php 950-milyong Lower Agno River Irrigation System (LARIS) sa Barangay Paitan, Sta. Maria, Pangasinan ngayong Mayo 23, 2025.
Kilala rin bilang Paitan Dam, ang LARIS ay isang apat-na-bahaging proyektong patubig na magkatuwang na pinangungunahan ng DAR at NIA sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) Fund.
Tinatayang matatapos ang proyekto sa December 2027, at makikinabang dito ang halos 11,942 Agrarian Reform Beneficiaries na nagsasaka sa 12,041 ektarya ng lupa sa mga bayan ng Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bautista, at Bayambang sa Pangasinan, pati na rin sa ilang bahagi ng San Manuel at Moncada sa Tarlac, at Cuyapo sa Nueva Ecija.
Magmumula ang tubig sa mga ilog ng Agno at Banila, may pahintulot itong makakuha ng hanggang 24,000 litro kada segundo. Kapag ito’y gumana na, makikinabang ang 56 Irrigators’ Associations, at dahil dito ay inaasahang tataas ang produksyon sa agrikultura at katatagan ng rehiyon.
Sa parehong okasyon, pangungunahan din ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng farm machineries and equipment (FMEs) na nagkakahalaga ng ₱83.4 milyon sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) project ng DAR. Kasama sa ipinamahagi ang mga sumusunod:
· 28,000 pakete ng organic na pataba na nagkakahalaga ng ₱23.8 milyon para sa 5,600 benepisyaryo mula sa 280 ARB Organizations (ARBOs) sa Rehiyon I, kabilang ang 103 sa Pangasinan
· 10 four-wheel tractor na nagkakahalaga ng ₱49.6 milyon para sa 1,719 ARBs at 10 ARBOs sa Pangasinan
· 2 multi-role power stations na nagkakahalaga ng ₱10 milyon para sa 326 ARBs at 2 ARBOs sa lalawigan
Ang CRFPS Project ay pangunahing programa ng DAR para sa taong 2025 na layuning mapalakas ang ani ng mga ARB at ang kanilang kakayahang harapin ang pagbabago ng klima, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitang pangsaka at pagsasanay.
Ang LARIS at CRFPS ay patunay ng patuloy na suporta ng administrasyong Marcos sa modernisasyon ng agrikultura, seguridad sa pagkain, at pagpapabuti ng kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka. (Prepared and written by: Sheen Claudette C. Paz-Leyco)