📅

Ginaganap ang CARP performance assessment at pagpaplano para sa 2026 ng PARC Secretariat at mga ahensya upang mapabilis ang pagpapatupad ng CARP at maiangat ang buhay ng mga magsasaka.

QUEZON CITY – Pinangunahan ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) Secretariat ang isang mahalagang tatlong araw na aktibidad mula Hunyo 25 hanggang 27, 2025, nanakatuon sa pagsusuri ng mga nagawa ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) noong 2024, at sa pag-aayon ng mgaplano at badyet para sa CARP sa taong 2026.

Taun-taon isinasagawa ang pagtitipong ito upang matiyak ang maayos, episyente at epektibong pagpapatupad ng CARP ng lahat kasamang ahensya ng pamahalaan.

Binanggit ni PARC Secretariat Director Jocelyn Ramones ang pangunahing layunin ng aktibidad: “Ang aktibidad na ito ay nagsisilbing gabay para sa atin. Dito natin sinusuri nang lubusan ang naging performance ng mga CARP Implementing Agencies (CIAs) para sa 2024, kung naabot ba ang kanilang mga target kumpara sa aktuwal na nagawa at kung paano nagamit ang pondo. Higit sa lahat, layunin nating tukuyin ang mga isyu at hamon na nakakapigil sa pag-unlad, at tiyakin na ang ating mga target sa programa at budget para sa 2026 ay magkakasabay at nakaayon sa mga layunin ng CARP.”

Ang pagsusuri ay nakatuon sa anim na pangunahing CIAs, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Land Registration Authority (LRA), Land Bank of the Philippines (LBP), Department of Agriculture (DA), National Irrigation Administration (NIA), at ang Department of Agrarian Reform (DAR). Sinasaklaw sa pagsusuri ang mga pangunahing programa ng CARP tulad ng Land Tenure Security Program, Agrarian Justice Delivery Program, at Agrarian Reform Beneficiaries Development and Sustainability Program.

Ginaganap ang CARP performance assessment at pagpaplano para sa 2026 ng PARC Secretariat at mga ahensya upang mapabilis ang pagpapatupad ng CARP at maiangat ang buhay ng mga magsasaka.

Kabilang sa mga mahahalagang resulta ng pasusuri ay ang detalyadong ulat sa pisikal at pinansyal na mga nagawa ng CIAs noong 2024, isang kumpletong listahan ng mga isyu, hamon at rekomendasyon, at isang magkakaugnay na plano at badyet para sa CARP sa 2026. Ang mga dokumentong ito ay gagamiting batayan ng Department of Budget and Management (DBM) sa pagpapatupad ng CARP sa mga susunod na taon.

Sa mensaheng binasa ni Director Ramones, muling binigyang-diin ni DAR Secretary at PARC Vice-Chairperson Conrado M. Estrella III ang kahalagahan ng programa: “Ang CARP ay nananatiling haligi ng ating adhikain para sa pag-unlad ng kanayunan at katarungang panlipunan. Ang masinsing pagsusuri at pagpaplanong ito ay patunay ng ating dedikasyon na hindi lamang lupa ang ibigay sa mga magsasaka, kundi pati buong suporta upang magkaroon sila ng maayos at tuluy-tuloy na kabuhayan. Bahagi ito ng ating layuning palakasin ang seguridad sa pagkain ng bansa Buo ang aming determinasyon na maiangat ang buhay ng ating mga agrarian reform beneficiaries.”

Binigyang-diin din ni DAR Undersecretary for Field Operations at PARC Secretary Kazel Celeste ang kahalagahan ng pagtutulungan: “Ang sabayang pagpaplano at masusing pagsusuri ay susi upang lubos nating makamit ang layunin ng CARP. Sa pagtutulungan, pagtukoy sa mga balakid, at wastong paglalaan ng yaman,mas napapabuti natin ang paghahatid ng serbisyo sa ating mga magsasaka. Sa ganitong diwa ng bayanihan natin mapapalakas ang mga pamayanang agraryo.”

Dumalo rin sa aktibidad ang ilang matataas na opisyal ng DAR tulad nina Undersecretary for Support Services Josef Angelo Martires, Assistant Secretary for Policy, Planning and Research Office Ubaldo Sadiarin Jr., at Assistant Secretary for Legal Affairs Office Facundo Palafox V, at iba pang opisyal mula sa mga kalahok na ahensya.

Ang tatlong-araw na aktibidad na ito ay nagpapakita ng matibay na paninindigan ng ng pamahalaan sa patuloy na pagpapabuti at tamang pagpaplano para sa matagumpay na pamamahagi ng lupa at mga serbisyo sa ilalim ng CARP—na layuning bumuo ng mas inklusibo, masagana, at makatarungang sektor ng agrikultura. (By: Pinky Roque)