Ang DAR NUEVA ECIJA ang nahirang ng DAR Region III upang maging punong-abala sa kadaraos lamang na pamamahagi sa mga ARBs at ARBOs ng Gitnang Luzon ng mga titulo (regular at e-titles), mga makinarya, kagamitang pangsakahan at mga tsekeng magsisilbing pangtustos gastos sa mga gawaing bukid, na ginanap sa Nueva Ecija Convention Center sa Palayan City.
Sa ilalim ng pamunuan ni Regional Director James Arsenio Ponce, CESO III, mga piling kasamahan mula sa tanggapan ng Region III at sa pakikipagtulungan ni PARPO II Eden Ponio at kawani ng panlalawigang tanggapan, matagumpay na naisakatuparan ang pamamahagi ng 636 na EP/CLOAs na sumasakop sa 393 ektaryang lupang sakahin sa 585 na ARB at 437 na e-titles naman na may sakop sa mahigt sa 709 ektarya para sa 438 na ARB sa ilalim ng Project SPLIT.
Si DAR Sec. Conrado Estrella III mismo ang namahagi ng mga titulo sa tulong nina Sen. Imee Marcos, Sen. Francis Tolentino, Gob. Aurelio Umali, Rep. Emerson Pascual at Rep. Jose Gay Padiernos. 31 ARBO naman ang nakatanggap ng mga tseke na may kabuuang halaga na halos isang daang milyong piso.
Namahagi din ng tatlong (3) four-wheel drive tractor, apat (4) na hand tractor, dalawampu’t siyam (29) na sprayer at marami pang ibang kagamitang pambukid. Nagkaroon din ng showcase ng mga produktong gawa ng mga ARBO.
Tinatayang mahigit isang libo’t limang daang katao mula sa iba’t-ibang panig ng rehiyon ang dumalo, sumali, nakisaya at nakiisa sa natatanging pagtitipon na ito.
Sina ARD Atty. Odgie Cayabyab at Atty. Cristina Miguel-Ayson (chief ng legal services sa Region III) ang masiglang nagpadaloy ng palatuntunan.
“Taos-pusong pasasalamat sa lahat ng tumulong upang maidaos ng maluwalhati ang okasyong ito. Ibinabalik namin sa Dakilang Diyos ang lahat ng pagpupugay at kaluwalhatian!”, wika ni PARPO Ponio. (Walfrido Martinez, PIO-Nueva Ecija)