đź“…

Misamis Occidental — Makalipas ang mahigit tatlong dekadang paghihintay at pagproseso, tuluyan nang naipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang 22 Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa siyam (9) na agrarian reform beneficiaries (ARBs) para sa halos 10 ektarya ng lupang sakahan sa Barangay Mitacas, Baliangao, Misamis Occidental.
Ang seremonya ng pamamahagi ay naging tanda ng pagtatapos ng 34 na taong paghihintay na nagsimula matapos maisabatas ang Republic Act 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law noong 1988. Nagsimula ang validation at pagproseso ng mga CLOA mula sa Veloso Estate noong 1991, ngunit ngayong taon lamang tuluyang nakamit ng mga ARB ang ganap na control at pagmamay-ari sa lupa.

Nasiyahan si Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III sa pagsusumikap ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II (PARPO) Mohammad Abdul Jabbar M. Pandapatan sa kanyang pagtitiyaga at pagsisikap na maresolba ang matagal ng isyu.
“Patunay ito ng tiyaga at dedikasyon ng ating mga opisyal at kawani sa pagsusulong ng katarungan para sa ating mga magsasakang benepisyaryo,” ani Estrella.
Tinukoy naman ni Pandapatan na isa sa mga dahilan ng pagkaantala ay ang di-pagkakatugma ng sukat ng lupa sa mga titulo at iba pang teknikal na usapin na kinakailangan pang siyasatin at kumpirmahin nang paulit-ulit.
Pinaalalahanan ni Pandapatan ang mga benepisyaryo na mahalin ang lupang ipinagkaloob sa kanila sa pagsasabing: “Makalipas ang 34 taong pangarap at paghihintay, ngayon ay naabot na ninyo ito.”

Para naman kay PARPO I Danilo M. Pilar, na siya ring kasalukuyang namumuno sa Land Tenure Security Program ng DAR-Misamis Occidental, binigyang-diin niya na ang pamamahagi ng CLOA ay “katuparan ng mahabang panahong pangako ng katarungan at pagkakapantay-pantay na pamumuhay.”
Taos-pusong nagpasalamat sa DAR si Santiago Tumangob, 83, na nagsabing: “Sa wakas, nakapangalan na sa akin ang titulo ng lupa. Ito ay tunay na katuparan ng aking pangarap.”
Kasunod ng pagkakaloob ng mga titulo sa mga ARBs, namahagi din ang DAR ng 38 electronic titles (e-Titles) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project. Saklaw nito ang kabuuang 32.4887 ektarya ng lupa na ipinamahagi sa 31 ARBs mula sa bayan ng Calamba, Sapang Dalaga at Baliangao.
Saksi sa nasabing seremonya sina Richvey M. Andus, ang Baliangao Municipal Disaster and Risk Reduction Management Officer, bilang kinatawan ni Alkalde Haneya Theresa L. Yap-Chiong, Virgie L. Lomoljo, kasapi ng Sangguniang Bayan, at mga kawani ng DAR-Misamis Occidental. (By Richard B. Gallardo with inputs from DAR-Misamis Occidental)