EPAHP Project sa Aurora, namayagpag sa gitna ng pandemya

Sa gitna ng covid-19 pandemic noong 2020 kung saan naging limitado ang kilos ng tao at marami ang nawalan ng trabaho, maging ang operasyon ng negosyong bigasan ng Nagkakaisang Lakas Paggawa ng Dipaculao Aurora Multi-Purpose Cooperative o NALAGDA MPC sa lalawigan ng Aurora ay hindi pinalampas ng pandemya.

Sa mga panahong ito, halos tumigil ang mundo ng pagnenegosyo. Sarado ang mga pamilihan. Waring ghost town ang kabisera ng Dipaculao. Mabibilang sa mga daliri ang mga unipormadong pulis na nagpapatrolya. Bawa’t barangay iisa ang lagusan at pasukan. Mahigpit na pinaiiral ang pagsusuot nang face mask, face shield at isang metrong pagitan tuwing makikipag-usap o magbi-byahe.

“Mahirap po para sa aming mga magsasaka ang hindi lumabas ng bahay dahil ang aming ikinabubuhay ay pagsasaka at personal kami na nagbebenta ang aming mga produkto” malungkot na pagbabalik-tanaw ni Apolinario Balanon, pangulo ng kooperatiba.

Sa gitna ng umiiral na lockdown, naging matamlay ngunit hindi tuluyang nalugmok ang bigasan ng kooperatiba.

Sa malikhaing pagsubaybay ni Apolinario, matagumpay na nabigyan nang market pass mula sa Office of the Provincial Agriculturist ang kooperatiba para sa pamimili ng palay at pagbebenta ng bigas sa nasabing bayan.

Kasabay nito ay malaking tagumpay din ang pagkakaroon ng quarantine passes mula sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office para sa mga tauhan ng bigasan.

“Mula Abril hanggang Agosto 2020, namimili kami nang palay mula sa mga kasaping magsasaka. Iniipon namin ito sa aming shed na walang dingding”, dagdag pa ni Apolinario.

Gamit ang pribadong tricycle ni Apolinario, namimili nang palay ang kooperatiba. Ito ay iniimbak nila sa kanilang shed. Mayroon silang suking rice mill kung saan pinagigiling ang mga palay upang maging well-milled rice.

Limitadong suplay, merkado at oras sa pagpasok at paglabas sa Dipaculao at lalawigan ng Aurora ang ilan sa mga hamon na hinarap ng kanilang bigasan. Higit pa rito ay ang banta sa kalusugan dulot ng pandemya na halos di rin nila inaalintana. Dahilan upang ang kita mula sa bigasan ay sadyang mababa. 

Setyembre 2020, isinilang naman ang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty o EPAHP. Ito ay isang proyekto ng Department of Agrarian Reform na may kaugnayan sa kasapatan ng pagkain. Layunin din nito ang iugnay sa mga institusyunal markets ang mga produkto ng mga agrarian reform beneficiaries kasama na ang NALAGDA MPC.

Dahil sa ang kooperatiba ay kasalukuyang suplayer ng well-milled rice, pinili sila ng DAR Provincial Office upang maging kauna-unahang benepisyaryo ng EPAHP sa lalawigan.

Nakipag-ugnayan ang DAR sa pamahalaang lalawigan ng Aurora hinggil sa pagpapatupad ng EPAHP. Sa inisyal na negosasyon, sumang-ayon ang panlalawigang pamahalaan sa panukala ng DAR. Sa ilalim ng administrasyon ni Punong Lalawigan Atty. Gerardo Noveras, nagtakda nang pag-uusap hinggil sa pagsuplay ng well-milled rice para sa Provincial Jail at Aurora Memorial Hospital. 

Si Noveras ay dating hepe ng Agrarian Legal Services ng DAR Provincial Office. Malapit sa puso ng gobernador ang kapakanan ng mga magsasakang benepisyaryo ng repormang agraryo. Higit pa dito, si Danilo Costa, ang dating hepe ng Program Beneficiaries Development Division, ay matalik din na kaibigan ni Noveras.

Naging mabunga ang negosasyon. Nalagdaan ang Memorandum of Agreement at Marketing Agreement sa pagitan ng Provincial Jail, Aurora Memorial Hospital at NALAGDA MPC. 

Nalagdaan ang unang kasunduan sa ilalim ng EPAHP noong Setyembre 2020 sa ilalim ng pamamahala ni PARPO II Darlene Anicia Galicia, CESO VI.

Sumilip ang oportunidad para sa pagpapatatag ng bigasan ng NALAGDA MPC. Sa ilalim ng kasunduan, magsusuplay ng 30 kaban ng well-milled rice bawa’t buwan ang kooperatiba sa Provincial Jail at Aurora Memorial Hospital. Ito ay natupad.

Sa implementasyon ng EPAHP, muling sinubok ang kooperatiba. Dahil sa wala pang dingding ang kanilang imbakan, napinsala ng bagyong Ulysses na nagdulot ng pagbaha sa malaking bahagi ng Luzon kasama na ang kalahati sa mga imbak na palay ng kooperatiba.

“Wala po kaming magawa dahil kulang ang aming pondo para magpagawa ng konkretong imbakan”, malungkot na wika ni Apolinario.

Sa kabila nito ay muli namang bumangon at nagpatuloy sa operasyon ang kooperatiba.

Madaling lumipas ang mga araw.

Setyembre 14, 2021. Nilagdaan ang ikalawang kasunduan ng EPAHP. Ito naman ay sa ilalim ng pamunuan ni PARPO II Jocelyn Ramones.

“Provincial Government of Aurora as the “kuya” at ang ating ARBO as the “nakababatang kapatid” tutulungan ang bawat isa…yan po ang bunga ng EPAHP…pag-unlad para sa ARBO at tulong na rin para sa mga PDL (Persons’ Deprived of Liberty) at may mga sakit sa ospital dito sa lalawigan ng Aurora”, masayang wika ni Iluminado Ocampo, kinatawan ng Regional Director ng DAR Regional Office III na dumalo sa paglagda ng ikalawang kasunduan. 

“Naging matagumpay yung ating proyekto (EPAHP). Kahit maliit na puhunan lang ang ating pinagsimulan, andito tayo muli upang magpanibago ng ating kasunduan. Yung simple nating ginagawa, nakakaabot sa iba at nakikita nila yung mga resulta o benefits para sa lahat ng involved sa proyekto”, taas-noong wika ni Noveras 

Sa loob ng 2021 dumagdag ang Maria Aurora Community Hospital bilang ikatlong institutional market para sa regular na suplay ng 4 na kaban ng well-milled rice bawa’t buwan. Mas tumatag ang bigasan sa taong ito.

 Pagdating ng 2022 at 2023, ang ikatlo at ika-apat na kasunduan ay nilagdaan sa ilalim ng pamunuan ni PARPO II Precy Landingin. Kasabay ng paglagda sa kasunduan nitong 2023, nabigyan ng dalawang yunit ng brand new kolong-kolong at isang yunit ng Shallow Tube Well ang NALAGDA MPC.

Ang tala ng benta para sa 2021 ay mahigit P500,000.00. Taong 2022 naman, ito ay tumaas pa sa halos isang-milyong piso. Ngayong Hunyo 2023, naitala naman ang halos P600,000.00 na kabuuang benta ang bigasan ng NALAGDA MPC.

Sa operasyon ng bigasan malaki ang partisipasyon ng walumpung (80) agrarian reform beneficiaries, na kinabibilangan ng tatlumput walong (38) babae at apatnaput dalawang (42) lalake. Sila ay kabilang sa mga kasaping magsasaka na pinagmumulan ng mga palay na ibinibenta bilang well-milled rice.

 “Ang sipag at determinasyon ng NALAGDA MPC sa gitna ng pandemya o mapinsalang bagyo ay bukod tangi. Ito ang susi sa tagumpay ng kanilang bigasan”, masayang wika ni PARPO II Garland Leila Cuarteros, ang kasalukuyang namumuno sa Aurora Provincial Office ng DAR.

 Halos patapos na ang pandemya.

 Patuloy pa rin ang operasyon ng bigasan. Maliliit man na hakbang nang tagumpay para sa negosyong bigasan ang nakamit nila sa gitna na pandemya at mapinsalang bagyo, ngayon, sa tulong ng EPAHP, patuloy ang bentahan sa pagitan ng NALAGDA MPC, Provincial Jail, Aurora Memorial Hospital at Maria Aurora Community Hospital. Ang ugnayan ng kooperatiba sa tatlong institusyunal na mamimili ay isang buhay na testamento ng tagumpay ng EPAHP at bigasan ng NALAGDA MPC. (Julieta B. Picart at Alan O. Ibale)