“Pagbabalik-Loob, Paniniwala, Pag-unlad”
Si Ginoong Diony Batister Yadao, saisenta anyos, Ilocano, at tubong San Mariano, Isabela ay ang lumipas na Chairman ng DAGAMI (Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela), samahan ng magsasakang Isabelino na taliwas ang paniniwala sa gobyerno. Sa kanyang pagbalik loob ay naisipan niyang tumulong sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan upang makatulong at makiisa sa gobyernong kanyang minsa’y tinalikuran. Si ginoong Yadao ngayon ang Chairman ng San Mariano Indigenous Farmers Agriculture Cooperative (SMIFAC) na nagbibigay serbisyo sa ating minamahal na kapwa magsasaka. Siya rin ay dating Vice Chairman ng Federation of National Greening Program Inc. noong 2016 hanggang 2019 at naging pinuno ng Samahan ng mga Ilocano, Agta, Kalinga Association noong 2012 hanggang 2018.
Isa siya sa magpapatunay na ang mga programang pang agraryo ay napakahalaga sa buhay ng isang magsasaka. Dahil sa lupang pinamahagi sakanya ng DAR naging maunlad ang kanilang pamumuhay at nakapagpatapos sya ng tatlong anak sa kolehiyo. “Isang biyaya na ako’y nagbalik loob sa ating pamahalaan dahil nabigyan ako ng isa pang pagkakataon upang mapabuti ang aking pamumuhay at makamit ang tinatamasang tagumpay para sa akin at sa aking pamilya”, ani Ginoong Yadao.
Si Ginoong Yadao ay nabigyan ng DAR ng 1.5 ektaryang lupain sa Del Pilar, San Mariano Isabela. Mula sa lupaing ito na kanyang pinagsimulan ay napayabong at napaunlad nya ang kanyang pamumuhay. Sa kasalukuyan, sya ay may ari na ng isang Integrated Farm na matatagpuan sa Sitio Amisan, Del Pilar, San Mariano, Isabela na may 7.8 hectares na lawak ng lupa. Ito ay may Fishpond (2,000sq.m), Banana farm (1 ha.), Cassava Production (1 ha.), Pineapple production (1,000sq.m), Rice production (1 ha.), Ube production (600sq.m), Vegetable production (500sq.m), forest area (0.5 ha), at piggery production.
Ang DSY Integrated farm ay may farm facilities at mga farm machineries, kabilang dito ang training hall na nagkakahalaga ng P1,200,000.00, tool room na nagkakahalaga ng P10,000.00, Chemical room P10,000.00, Overhead Tank P20,000.00,Concrete tank P10,000.00, Compost pit P2,000.00, water pump P25,000.00,Rotovator P1,200,000.00, Combine harvester P1,500,000.00, Hand tractor, P125,000.00, Threshers P75,000.00, Power chainsaw P52,000.00, Chargeable sprayer P6,000.00, grass cutter P6,000.00, at knapsack sprayer P2,500.00.
Ang kanyang Integrated farm ay dinarayo at tinatangkilik ng mga magsasakang nais pang mapalawak ang kaalaman sa iba’t ibang pamamaraan at teknolohiya sa pagsasaka, pagpapalago ng negosyong pang agrikultura at pagpapaunlad ng kanilang lupain.
Ibinabahagi rin ni ginoong Yadao sa mga pumupunta sa kanyang integrated farm ang kanyang mga karanasan at mga pagsubok na kanyang pinagdaanan bago marating ang kasaganahan bilang inspirasyon at upang mag-udyok na magpatuloy sa kabila ng matitinding problema sa buhay.
“Sipag, tiyaga at matinding panalangin sa Panginoon ang aking naging sandata sa pagtahak at pagharap sa mga pagsubok na hamon ng aking buhay. Ang Diyos ang aking naging sandalan upang makamit ko kung anuman ang meron ako ngayon”, wika ni ginoong Yadao.
Si ginoong Yadao ay maituturing na isang matagumpay na Agrarian Reform Beneficiary at ito ay lubos nyang ipinagpapasalamat sa Department of Agrarian Reform dahil sa mga assistance na naibigay ng ahensya sakanya at sa kanilang organisasyon.