DAR scholarship program para sa mga dependent ng ARB, umarangkada na

Urdaneta City, Pangasinan – Nagsimula nang tumanggap ang DAR Pangasinan ng mga application para sa DAR Scholarship Program for Dependents of Agrarian Reform Beneficiaries (DSP-DARBs). Sa ilalim ng programa na ito ay taon-taon na sasagutin ng kagawaran ang mga miscellaneous fees at allowance ng mga DARBs na mag-aaral ng four (4)-year na agricultural-related courses sa mga state universities and colleges (SUCs). Hanggang July 22, 2021 ang pagtanggap ng aplikasyon para sa naturang scholarship program.

Itinuturing na agrarian reform beneficiary (ARB) ang mga magsasaka na nakatanggap ng Emancipation Patent (EP) o Certificate of Land Ownership Award (CLOA) mula sa DAR. Itinuturing naman na DARBs ang mga anak, apo, pamangkin, at kamag-anak ng mga ARB.

Ayon sa DAR Memorandum Circular 01 series of 2019 o ang Revised Guidelines on the Implementation of DAR Scholarship Program for the Dependents of Agrarian Reform Beneficiaries Sakop ng scholarship program ang mga kursong BS Agriculture, BS Agri-Business, BS Agricultural Technology, BS Agricultural Economics, BS Agricultural Education, BS Agricultural Extension, BS Agricultural Entrepreneurship, BS Agricultural Homemaking, BS Agricultural Chemistry, BS Farming Systems, at iba pang kurso na may kinalaman sa agrikultura.

Ilan sa mga allowance na direktang matatanggap ng mga scholar ng DSP-DARBs ay ang monthly stipend, transportation at lodging allowance, at thesis allowance. Kamakailan naman ay naglabas ng mga amendment ang kagawaran upang maisama sa mga benepisyong matatanggap ng mga scholar ang posibleng magastos ng mga ito para sa online learning.

Kapag nakapagtapos ang mga scholar ay kinakailangan nilang manungkulan sa gobyerno sa loob ng isang (1) taon.

Layon ng DSP-DARBs na makapag-prodyus ng mga propesyonal na pangangasiwaan at aalagaan ang mga lupain na ibinigay ng DAR sa mga ARB. Sa pamamagitan nito ay inaasahan na sisigla ang sektor ng agrikultura at babata ang average age ng mga magsasaka sa bansa. ### (za)