Pamamahagi ng DAR ng mga titulo ng lupa sa mga magsasaka, bumilis

Iniulat ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Kamara de Representantes na mahigit 49,000 titulo na sumasakop sa mahigit 43,000 ektarya ang kanilang naipamahagi sa mga benepisaryong magsasaka sa loob lang ng unang anim na buwan ng 2023.

Inihayag ito ni DAR Secretary Conrado Estrella III sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa hinihinging P9.392.29 bilyong budget ng kagawaran para sa 2024, na mas mababa sa kasalukuyan nitong pondo na P15.850.2 bilyon.

Nitong nakaraang Enero, tiniyak ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na bibilisan ng kaniyang administrasyon ang pamamahagi ng titulo ng lupa sa mga agrarian reform beneficiaries ngayong taon.

Ayon kay Estrella, sa unang taon ng administrasyon, umabot na sa kabuuang 71,360 titulo ang naipamahagi ng DAR na sumasaklaw sa 85,853 ektarya ng lupang sakahin para sa 68,427 na benepisyaryong magsasaka.

Sa naturang bilang, 49,484 na titulo na sumasaklaw sa 43, 623 ektarya ang naipamahagi sa 43,623 na mga benepisyaryo magmula noong Enero hanggang Hulyo 7, 2023.

Sinabi ni Estella sa mga mambabatas na malaking tulong sa pamamahagi ng titulo ang mga "e-title" sa ilalim ng proyektong Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT).

Sa ilalim ng naturang proyekto, napaghati-hati ang mga lupain sa ilalim ng collective certificates of land ownership awards (CCLOAs) para magkaroon ng indibidwal na titulo ang mga benepisaryong magsasaka.

Mula Enero hanggang Hulyo 2023, may kabuuang 33,654 e-titles na sumasaklaw sa 46,241 ektarya ang ibinigay sa 29,320 ARBs.

Ayon sa kalihim, nakatakdang ipamahagi ng DAR ang hindi bababa sa 30,000 na mga titulo para makumpleto ang target nito para sa 2023 na maipamahagi ang kabuuang 80,000 na mga titulo sa ARBs sa buong bansa.

Binigyan-diin ni Estrella ang bagong batas na Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Reform Emancipation Act, na nagbubura sa lahat ng hindi nabayarang amortisasyon o mga utang pang-agraryo, kabilang ang interes, at penalty.

Sa ilalim ng nasabing batas, inaako rin ng gobyerno ang obligasyon ng 10,201 ARBs sa 11, 531.24 ektarya ng lupa upang bayaran ang natitirang balanse ng direktang kompensasyon na dapat bayaran sa mga may-ari ng lupa sa ilalim ng Voluntary Land Transfer (VLT) o Direct Payment Scheme (DPS) na umaabot sa P206,247,776.41. .-- FRJ, GMA Integrated News

Pinagmulan: https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/balita/879729/pamamahagi-ng-dar-ng-mga-titulo-ng-lupa-sa-mga-magsasaka-bumilis/story/