Anak ng ARB, Top 8 sa nakalipas na RRT Exam

Isang masagana at napakasayang balita ang bumungad sa pamilyang Bucasan ng Diego Silang, Diffun, Quirino pagkatapos napabalitang pagpasok ni Keith Bucasan sa listahan ng Top 10 national topnotcher sa nakalipas na Radiologic Technology Licensure Examination. Umani ito ng papuri at pagbati mula sa mga malalapit na kamag-anak at netizens dahil na rin sa tinamong milestone ng naturang topnotcher. 

Tinapos ni Ginoong Bucasan ang kursong Radiologic Technology sa Baguio University bilang isang pangkaraniwang mag-aaral. Kuwento ni Aling Adelina, ina ni Keith, napagtapos  niya ang kaniyang mga anak sa tulong ng kaniyang mga kaanak. Sa kabilang dako, nagsumikap siyang mapayabong ang kanilang sakahan na naging pamana sa kanila ng kaniyang yumaong kabiyak. At bilang pagbabalik- tanaw sa nakaraan, kinareer ng kaniyang mister ang paglinang sa kanilang .8 ektaryang palayan na ipinamahagi ng DAR. 

Emosyonal  si Aling Adelina nang malaman niyang hindi lamang pumasa ang kaniyang anak datapwat napabilang pa ito sa listahan ng mga nanguna sa  naturang pagsusulit. 

Si Aling Adelina ang tumatayong Manager, isa sa mga pinaka- aktibong Opisyal ng Gudiesan ARB Cooperative, isang ARBO na nakabase sa Diego Silang, Diffun, Quirino.   

Ayon kay Bucasan, ang bunsong anak niya ay isang pangkaraniwang mag-aaral na may pangarap sa buhay. “Hindi ko po ito inaasahan ngunit malaking karangalan ito sa aming pamilya. Nagpursige si Keith sa kaniyang pag-aaral sa tulong na rin ng kaniyang mga kapatid at higit sa lahat sa patnubay ng Maykapal. Walang pagsidlan ang aming kasiyahan at pasasalamat at dininig ng Diyos ang aming munting panalangin, sambit ni Aling Adelina. “

 Taglay ng kaniyang bunso ang katangian ng isang mabuting anak- kasipagan at kababaang-loob, dagdag pa ng numero unong fan ng ating bida.  

Caption

Isang tunay na pride ng mga Quirinians ang kanyang tinamong tagumpay. Kamakailan lang ay pinalad ding makapasok sa Top 10 ang isang examinee ng Licensure Examination for Teachers (LET) si Cedrick na isang residente naman ng Aurora West, Diffun, Quirino. Isang patunay na ang edukasyon ay isang natatanging-yaman na hindi maaangkin ninuman; isang karangalan na dapat pamarisan lalung-lalo na ang mga kabataan.