Castriciones namahagi ng lupa sa Coron sa pamamagitan ng Serbisyong DAR-to-Door
May kabuuang 9.7 ektaryang lupa ang naipamahagi sa walong (8) agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng Barangay Guadalupe, Coron, Palawan sa pangunguna ni Agrarian Reform Secretary John R. Castriciones sa ilalim ng programang Serbisyong DAR-to-Door ng Department of Agrarian Reform ((DAR).
Ang Serbisyong DAR-to-Door ay programa ng ahensiya kung saan personal na inihahatid ni Brother John ang certificates of land ownership award (CLOAs) sa mismong bukirin o pamamahay ng mga magsasakang tatanggap ng lupa.
Ayon kay Brother John ginagawa niya ang serbisyong ito upang ilapit ang pamahalaan sa pamamahay ng magsasaka upang maramdaman nila na ang administrasyon ay nasa kanilang panig.
“Binibisita namin ang mga malalayong komunidad upang magbigay pag-asa sa mga magsasaka. Upang ipakita sa kanila na kung maihahatid namin ng personal ang mga titulong matagal na nilang minimithi, marami tayong magagawa upang gawing mas produktibo ang mga lupaing ito,” ani Brother John.
Ang Kalihim ay sinamahan ng iba pang matataas na opsiyal ng DAR mula sa central, regional at provincial office upang ipakita ang kanilang buong suporta sa programa.
Ipinaliwanag ni Regional Director Zoraida O. Macadindang kung ano ang mga suportang serbisyong maaring maibigay ng DAR kung isa kang benepisyaryo ng programa.
Ayon naman kay USEC Emily O. Padilla ang mga suporta mula sa pamahalaan ay tulad ng pagkakaroon ng daan sa mga pasilidad sa pautang, mga gamit pang-sakahan at makinarya, pagsasanay at seminar, at iba pa.
Sinabi rin ni Palawan Congressman Franz Alvarez na ang kanyang opisina ay bukas para sa mga ARBs kung sakaling kailanganin nila ang tulong ng lokal na pamahalaan.
“Ang pakiusap ko lang sa inyo ay palaguin ng husto ang lupa at huwag kayong matutuksong ibenta ang mga ito,” aniya.
Ang mga magsasakang tumanggap ng lupa sa ilalim ng programa ay sina Liverinda Zabalo,Luis Zabalo, Leonardo Zabalo, Bienvenido Zabalo, Damian Apolinario,Edwin Alarcon, Romualdo Bautista and Engracita Wab.
Nagpasalamat sa DAR ang luhaang si Engracita Wab dahil sa biyayang tinanggap, dahil aniya, ilang taon na niyang tinatamnan ang lupa ng walang kasiguraduhan kung mapapasakanya ito.
“Mula ngayon ay hindi na ako matatakot na mawala sa akin ang lupaing ito. Maraming salamat sa DAR sa ginawa nilang ito sa amin,” pagtatapos ni Wab.